Tag-ulan na muli at may isang sakit na
nakakabahala: ang Leptospirosis. Noong 2009, pagkatapos ng bagyong Ondoy
ay nagkaroon ng maraming kaso ng leptosprisis sa mga lugar na
naapektuhan ng baha. Halos 100 na katao ang nasawi sa 'outbreak' na ito
ng leptospirosis.
Ano ang sanhi ng leptospirosis?
Ang leptospirosis ay dulot ng mga bacteria o mikrobyo na tinaguriang
'Leptospira'. Ang mga bacteria na ito ay naninirahan sa mga hayop gaya
ng mga daga. Kapag nagkaroon ng malakas na ulan, ang mga daga ay
nabubulabog at ang kanilang ihi na may taglay na bacteria ay maaaring
humalo sa tubig-baha, at sa ganong paraan, kapag ang isang tao ay inabot
o sadyang naligo o dumaan ng tubig baha, ang mga bacteria ay maaaring
makapasok sa kanyang katawan. Lalong-lalo na kung may mga sugat sa balat
na maaaring maging daan para sa mga mikrobyong ito.
Maaari ring makuha ang Leptospirosis sa pag-inom o paglunok ng
tubig-baha o iba pang tubig o maging pagkain na kontaminado ng ihi ng
daga.
HINDI ito nakukuha sa paglanghap ng hangin, at hindi maaaring makahawa ang taong may leptospirosis
Ano ang mga sintomas ng leptospirosis?
Makaraan ang 4 hanggang 8 na araw pagkatapos ma-expose sa baha, maaaring
magkaroon ng lagnat, pamumula sa balat ("rash"), sakit ng ulo,
pananakit ng kalamnan at kasukasuan, pagsusuka at pangangalos. Maaaring
gumaling na pagkatapos maranasan ang mga sintomas na ito, ngunit marami
ring kaso kung saan mas lumalala pa ng mga sintomas. Maaari ring
magkaroon ng karagdagang mga sintomas gaya ng pagdudugo, sakit ng tiyan,
at paninilaw.
Kinakatakutan rin ang komplikasyon sa atay, na maaaring ikalala ng sakit at ikamatay ng pasyente.
Paano malaman kung may leptospirosis?Ang leptospirosis ay dapat
suspetsahan sa lahat ng taong nilalagnat ilang araw makaraan ang isang
enkwentro sa tubig baha, lalo na pagkatapos ng isang bagyo. Para
makompirma ang suspetsya na leptospirosis, may blood test na maaaring
isagawa.
Anong gamot sa leptospirosis?
Antibiotics ang gamot sa leptospirosis, ngunit HINDI PWEDE na
basta-basta bibili ng pangkaraniwang gamot gaya ng Amoxicillin sapagkat
hindi ito ay drug of choice para sa naturang sakit na ito. Magpakonsulta
sa doktor kung ano ang nararapat at pinaka-epektibong gamot. Isa pa,
hindi lahat ng lagnat pagkatapos ng baha ay leptospirosis; marami pang
ibang posibilidad kaya kelangang makipag-ugnayan sa inyong manggagamot.
Paano makaiwas sa leptospirosis?
Una, umiwas sa tubig-baha. Payuhan ang mga bata na huwag maligo sa
tubig-baha, at protekssyunan ang katawan, lalo na ang mga paa, sa
pamamagitan ng pagsusuot ng botas at iba pa. Kung may sugat sa paa ay
siguraduhing hindi ito maaabot ng tubig-baha.
Pakuluan ang tubig kung hindi nakatiyak sa kalinisan nito.
Ingatan ang mga nakaimbak na pagkain, siguraduhing hindi ito makokontamina ng mga daga at iba pang hayop.
Dapat maging mapagmatyag pagkatapos ng isang baha: ipagamot kaagad ang
sinumang may lagnat, o ibang mga sintomas na nabanggit sa naunang
talaga.